Bilang pagdiriwang ng Bulwagan ng Dangal University Heritage Museum sa Pambansang Buwan ng Pamana ngayong Mayo, itatayong muli ang eksibit na pinamagatang 𝐔𝐆𝐍𝐀𝐘𝐀𝐍: 𝐌𝐠𝐚 𝐊𝐮𝐰𝐞𝐧𝐭𝐨 𝐧𝐠 𝐓𝐚𝐥𝐚́𝐛𝐚𝐧 𝐬𝐚 𝐏𝐚𝐦𝐚𝐲𝐚𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐔𝐏 𝐃𝐢𝐥𝐢𝐦𝐚𝐧, upang maibahagi sa mas malawak na madla ang mga kuwento ng ugnayan na bumubuo sa pamayanang UP Diliman. Magbubukas ang iterasyon ng eksibit sa Lobby ng Gusaling Panlungsod ng Quezon (Quezon City Hall Lobby) bukas, 14 Mayo 2024, 2 n.h.
Sa paglipat ni Oble sa Diliman, nagsimula ang pamamalagi ng pamayanan sa bago nitong tahanan, habang ipinagpapatuloy ang orihinal nitong mithiing mamahagi at makibahagi sa bayan.
Higit sa pagiging isang pamantasan, ang UP Diliman ay isang komunidad na hinuhulma ng mga magkakahabing ugnayan—ng pingkian, tunggalian, damayan, at bukluran—sa loob at labas nito. May kaakibat na talim at bísa ang mga elementong ito sa isa’t isa—mga pagtatalában na nagdudulot ng pagtatása at pagyabong.
Ang proyektong ito ay sa pangunguna ng UPD Opisina ng Pagpapasimuno sa Kultura at mga Sining at Bulwagan ng Dangal University Heritage Museum, bilang bahagi ng pagdiriwang ng UP Diliman Arts and Culture Festival 2024: Pamamalagi at Pamamahagi.