Loading Events

« All Events

  • This event has passed.

Sining Protesta: Imahe at Tema, Anyo at Pagkilos

September 21, 2022October 16, 2022

Malaki ang papel na ginagampanan ng sining biswal sa paglantad, pagpuna, at pagtuligsa sa mga mapanupil na kaganapan at kondisyon sa lipunan. Ito ay malinaw na naipamalas noong dekada ‘70 kung saan ang bayan ay isinailalim sa karimarimarim na Batas Militar. Sa kabila ng mga akto ng pagsensura at banta sa seguridad na ipinatupad ng pamahalaang diktadurya, tuwiran at di-tuwirang ipinahayag ng mga artista at mga grupo ng mga artista ang kanilang mga saloobin at mithiin para sa bayan sa pamamagitan ng kanilang sining protesta. Sa pagpapatalsik sa mga Marcos na napagtagumpayan noong 1986, hindi nagwakas ang hamon at pangangailangan na tumugon ang sining sa mga sari-saring isyung ikinaharap ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

Sa pagnanasang ilapit ang kanilang sining sa nakararami, humayo ang maraming artista at mga grupo mula sa paggamit ng mga kanonikal na uri ng sining biswal, tulad ng mga pinta o eskultura; at isinakasangkapan rin ang mga popular na midya, tulad ng mga karatula, banner, polyetos, editorial cartoon, at iba pa. Imbis na nakapaloob lamang sa mga museo at institusyong pangkultura ang sining, nagiging espasyo rin nito ang mga lansangan kung saan makikita at maririnig ng mas nakararami ang mensaheng nakapaloob sa mga ito. Mahihinuha rin na ang mga artista ay naging bahagi ng mga grupo kung saan nila tinalakay ang mga isyung panlipunang nais tugunan at paminsa’y lumikha ng mga obra nang magkakasama. Iginigiit ng pag-iral ng mga grupong ito ang kahalagahan ng kolektibong layunin at pagkilos gamit ang sining para sa ikabubuti ng bayan. Sa pamamagitan ng mga puntong nabanggit, maaaring suriin ang sining protesta bilang pagbatikos hindi lamang sa elitistang pananaw ukol sa sining kundi pati na rin sa romantikong pagtingin sa artista bilang sole genius sa proseso ng paglalang ng sining.

Details

Start:
September 21, 2022
End:
October 16, 2022
Event Category:

Venue

UP Academic Oval